Sa loob ng anim na araw, ihahalal natin ang susunod nating pangulo. Sa gitna ng ingay pulitika, nararapat marahil na tayo’y panandaliang huminto at magnilay kung ano nga ba ang ninanais nating makamit.
Naging panauhin ng Management Association of the Philippines (MAP) at ng Makati Business Club (MBC) ang Alkade ng Davao na si Rodrigo Duterte. Kasalukuyan siyang nangunguna sa mga pinagpipiliang maging pangulo, ilang araw na lang bago ang halalan.
Habang isinasaalang-alang natin ang ating mga iboboto, nananawagan ako na lubos nating pagnilayan at suriin ang kahalagahan ng ating boto. Sa kabila ng sinasabi ng iba, napakahalaga kung sino ang ating pipiliin bilang susunod nating pangulo. Ang magandang takbo ng ekonomiya at ang dami ng trabahong nagawa sa huling anim na taon kung ihahambing sa nakaraang 12 taon ay dahil sa pinagbuting pamumuno ni Pangulong Aquino at ng kanyang Gabinete, na siya namang nagbigay ng hinahanap na kumpiyansa ng mga negosyante upang mamuhunan sa Pilipinas at lumikha ng napakaraming hanapbuhay.
Sa kadahilanang nangunguna si Mayor Duterte sa pagkapangulo, nararapat lamang na masusi siyang siyasatin. At ang pagsusuri ng kanyang mga sinabi sa panahon ng pangangampanya ang pinakamabisang paraan para maisagawa ang pagsisiyasat na ito.
Ilang buwan na ang nakalipas, sinabi niya na magiging malusog ang mga isda sa ating mga tubigan dahil itatapon niya roon ang 100,000 pinaghihinalaang kriminal na kanyang iuutos na ipapatay. Inulit niya sa harap ng MAP at MBC na ang kanyang magiging utos sa ating mga pulis at kasundaluhan ay ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal kung tumanggi sila na maaresto. Idinagdag pa niya, bibigyan niya ang ating kapulisan ng mga pirmado nang pardon sa pagpatay upang hindi sila harangin ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao. Inulit din niya na ipapapatay din niya ang sariling niyang anak kung napatunayang may sala ito kaugnay ng ipinagbabawal na droga. Karagdagan dito, nagbigay si Mayor Duterte ng babala sa Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights, at ang Kongreso na huwag silang mangharang o manghimasok sa kanyang trabaho.Sinabi rin niya na bibigyan niya mismo ang sarili niya ng pardon para sa krimeng multiple murder.
Mangilang beses na rin nagbabala ang alkalde na bubuwagin niya ang Kongreso kung hindi ito makikipagtulungan sa kanya o kung isasalang siya sa impeachment. Ilang araw na ang nakalipas, sinabi rin niya na magtataguyod siya ng isang pamahalaang rebolusyonaryo.
Ipinahiwatig din ng alkalde na isa siyang masugid na tagahanga ni Ferdinand Marcos, na naniniwala siyang si Marcos ang pinakamahusay na naging pangulo ng ating bayan, isang taong magiting na nararapat daw na ihimlay sa Libingan ng mga Bayani. Sa aking pagkakaalam, wala pa siyang sinasabi ukol sa malawakang pandarambong ng mga Marcos, ang talamak na paglapastangan sa karapatang pantao, at kung paano inilubog ng mga Marcos ang minsan nating napakaunlad na ekonomiya. May isang pagkakataon din na sinabi niyang kung sakaling biguin siya ng kanyang kalusugan at hindi niya matapos ang kanyang anim na taong panunungkulan bilang pangulo, nais niyang magkaroon ng state funeral, at kanyang ibibigay ang liderato ng ating bansa kay Bongbong Marcos.
Mangyari pa, nariyan ang kanyang naging tanyag na pahayag ukol sa kanyang panghihinayang na hindi siya ang unang gumahasa sa isang misyonaryong Australyano. Kasalukuyan, sinabi rin niyang wala siyang bank account na naglalaman ng napakalaking deposito, na kanya namang binawi at pinabulaanang totoo ang mga bank account na ito.
Napakarami pang pahayag ang alkade na lalong magbibigay linaw sa kanyang tunay na pagkatao. Para sa kanyang mga tagasuporta, pinapakita ng mga maaanghang na salitang ito ang malakas at walang pag-aalinlangang pamumuno na hindi nila naramdaman sa kasalukuyang pamahalaan. Huwag kayong mag-alala, sabi nila, matalas lang ang kanyang dila. Huwag kayong mabahala na gagawin talaga ni mayorang kanyang mga banta at pangako.
Siguro namang hindi sasama ang loob ng alkalde at ng kanyang mga tagasuporta kung seryosohin namin ang kanyang pananalita sapagkat hindi ito nakatutuwa. Ipinahihiwatig ng kanyang mga salita ang kawalan ng respeto sa batas. At ang pananaig ng batas—ang rule of law—ang saligan kung saan tayo makakakuha ng kumpiyansa. Totoo, mahalaga ang peace and order, ngunit nararapat na makamtan ito sa ilalaim ng batas. Kung wala ang rule of law, magkakaroon ng malawakan at ganap na kaguluhan, na siya namang mangangahulugan sa kawalan ng tiwala sa ating bansa. Kung wala ang kumpiyansang ito, walang mamumuhunan, at kung walang mamumuhunan, walang trabaho. Hindi ito simpleng babala, ito ang katotohanan. At hindi lamang ang mga negosyante ang magdurusa, kasama rito ang libo-libong mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya na hindi magkakaroon ng hanapbuhay. Alalahanin natin na ang isang mapayapa at maayos na pamayanan ay hindi nakakamit dahil sa takot na ika’y babarilin, bagkus nagmumula ito kung mayroong sapat na makakain, naaabot at mahusay na edukasyon, maayos na pabahay, at mabuting kalusugan.
Sa ganitong kadahilanan, ako ay masigasig na nananawagan na muli nating balikan at pagnilayan ang ating mga iboboto bago ang halalan. Huwag tayo bumoto dahil sa pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, o dahil sa ating pagkayamot sa isang pamahalaang mabagal tumugon sa pangangailangan, o dahil sa nakagagalit na trapik, o sa laganap na kriminalidad. Huwag nating piliin ang isang nagmimistulang kasagutan sa ating mga hinaing, na sa katunayan ay mas masahol pa sa mga problema na ating nilulutas. Sa halip, isipin natin kung ano ang halaga ng ating boto sa kinabukasan ng bayan, sa susunod na salinlahi, at sa milyung-milyong nakababatang Pilipino, kasama na rito ang inyong kapamilya at kasama sa trabaho. Isaalang-alang natin ang mabigat na pinsalang maidudulot ng maling pagboto.
Piliin natin ang isang pinunong pagtitibayin ang magaganda nating nakamit, isang pinunong aayusin ang kapalpakan na pumipigil sa ating pag-unlad. Piliin natin ang isang pinunong kinakatawan ang kagandahang-asal, katapatan, kagalingan, kalakasan, at pagmamahal sa bayan na ating hinahanap, isang pinunong may kakayahang ipagkaisa tayong lahat matapos ang halalan, upang makatayo tayo bilang isang matatag na sambayanang nagpupursiging paunlarin ang buhay ng bawat Pilipino.
Nawa’y bumoto tayo nang matino!
——–
Inilathala sa Philippine Daily Inquirer, 3 Mayo 2016